SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Miyerkules, Setyembre 30, 2020

NANG MAWALA ANG GANA MO SA PAGSASAYAW

NANG MAWALA ANG GANA MO SA PAGSASAYAW 
ni Donfelimon Poserio

Sana, noong una pang nakita mo akong nakatanaw pinagmamasdan ang indayog ng mabini mong mga galaw ay pinigilan mo ako... Pinigilan mo sana akong huwag masanay na sayo lang nakatingin na ikaw agad ang hinahanap sa bawat araw na dumarating ngunit sinanay mo ako... mula noong tinawag mo ako't inalok na sumabay sa sayaw mo kahit alam mong parehas kaliwa ang mga paa ko kahit alam mong nahihirapan kang turuan ako o nahihirapan akong umintindi at matuto ng mga tamang kumpas ng kamay, at giling ng bewang, ng pitik ng mga paa at gaslaw ng katawan. Sinanay mo akong nasa tabi mo, habang musikang naririnig ang bulyaw ng mga pang-aasar mo, sa kahinaan kong matuto sa mga tamang galaw. Ikaw, ikaw ang aking guro! At kahit alam kong lagpak ang bigay mong grado ay malalim ang naibaong aral nito sa aking puso: Natuto akong magmahal, at nasanay sa kung paano ka mamahalin, Natuto ako at nasanay na ilabas at sabihin ang lahat ng nadarama ko sayo, mahal. Natuto ako at nasanay na ibigay ang mga sorpresang magpapangiti sayo natuto ako ng mga bagay na ayaw mo at gusto, at nasanay sa mga ganun, ganyan at ganito mo, Natuto ako at nasanay na umintindi sa hindi ko maintindihan mong pagbabago natuto ako at nasanay na unawain ang di maunawaang dahilan ng iyong pagtatampo. Natuto ako at nasanay na tanggapin ang dulot nitong sakit ng ipinadadama mong pilit saking hindi rin naman ito magtatagal kaya't ang solusyon mo ay ang bigla na lang pagbitaw at madali lang para sayong sabihing isuko ko na ang kinapitan kong pag-asa nang sinabi ko sayong handa akong maghintay Bakit ngayon pa! Kung kailan ako natuto at nasanay... Sana'y noon pa! noong una pa lang na nakita mo kong nakatanaw pinagmamasdan ang indayog ng mabini mong galaw ay pinigilan mo ako... sana'y pinigilan mo akong matuto at masanay sa maraming bagay na ayaw at gusto mo, sana'y pinigilan mo ko mahulog nang labis sayo nang napigil ko sana ang di maawat na daloy ng luha sa mga matang 'to. Pero ikaw, ikaw ang aking guro, kahit wala nang magtuturo saking muli, sapat na siguro ang itinuro ng pait, sakit at hapdi at salamat dahil sa huli... natuto na ko, na wag masanay sa mga bagay na di mananatiling sayo, HUWAG MASANAY SA MGA BAGAY NA DI NAMAN TALAGA SAYO. At sa huling pagkakataon, gaya noong unang araw na nakita mo kong nakatanaw pinagmamasdan ang indayog ng mabini mong mga galaw ay huwag mo na akong pipigilan... Dahil ayokong mawala ang gana mo sa pagsayaw Dahil ngayon, pangako, ako na lang ang kusang bibitaw.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...