POSISYONG PAPEL NG KOMISYON SA WIKANG FILIPINO (KWF)
KAPASIYAHAN NG KALUPUNAN NG MGA KOMISYONER BLG. 14-26 SERYE NG 2014 PINAGTITIBAY ANG KAPASIYAHAN NA NAGLILINAW SA TINDIG NG KOMISYON SA WIKANG FILIPINO (KWF) HINGGIL SA COMMISSION ON HIGHER EDUCATION (CHED) MEMORANDUM BLG. 20, S. 2013
SAPAGKAT, alisunod sa Artikulo XIV, Seksiyon 6-7 ng 1987 Konstitusyon, dapat magsagawa ng hakbang ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon;
SAPAGKAT, tungkulin ng KWF ang pagtitiyak sa higit pang pagpapaunlad, pagpapayaman, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika sa Filipinas;
SAPAGKAT, ang CHEd Memorandum Order Blg. 20, s. 2013 ay nagtatanggal sa mga sabjek na Filipino sa General Education Curriculum, at sa halip ay pinapalitan ito ng Revised Core Courses na maaaring ituro sa Ingles o sa Filipino;
SAPAGKAT, ang nasabing Memorandum Order ay magbubunga ng pagkawala ng trabaho ng maraming guro;
SAPAGKAT, ang pagpapaubaya sa mga institusyon sa mataas na edukasyon (HEls) sa pagpili ng wikang gagamitin sa Core Courses ay maglalagay sa Wikang Filipino sa tagibang na posisyon dahil sa patuloy na pamamayani ng Ingles sa edukasyon at sa mga dominyo ng kapangyarihan;
SAPAGKAT, sa sitwasyong ito, nanganganib na mawala nang tuluyan ang Filipino, hindi lang bilang sabjek, kundi bilang wikang panturo sa antas tersiyari;
SAPAGKAT, bilang pagtupad sa tungkulin nito sa ilalim ng batas, ang KWF, matapos magsagawa ng Pambansang Konsultasyon sa Antas Tersiyari ay lumiham sa CHEd noong 16 Enero 2014 hinggil sa pagbibigay ng priyoridad sa paggamit ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo sa GEC sa antas tersiyari, at pagtitiyak na hindi mababawasan ang sahod o bababa ang ranggo ng mga guro sa Filipino na apektado sa pagpapatupad ng K-12;
SAPAGKAT, ang iba't ibang samahan ng mga guro sa Filipino, ay nagpahayag na ng kanilang pagtutol sa nasabing Memorandum Order sa paniwalang ito ay hindi umaayon sa mga tadhana ng Konstitusyon hinggil sa pagtataguyod at paggamit ng Filipino bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon;
DAHIL DITO, IPINAPASIYA, gaya ng ginagawang pagpapasiya ngayon, na iginigiit ang pagtuturo ng siyam (9) na yunit sa Wikang Filipino, na hindi pag-uulit lamang ng mga sabjek sa Filipino sa antas sekundarya, kundi naglalayong magamit at maituro ang wika mula sa iba't ibang disiplina-na pagkilala sa Filipino bilang pintungan ng karunungan at hindi lamang daluyan ng pagkatuto, at upang matiyak ang pagpapatuloy ng intelektuwalisasyon ng Filipino;
IPINAPASIYA pa, na tiyaking ang kalahati o apat (4) sa panukalang core courses, bukod sa kursong Rizal, na nakasaad sa Memorandum Order Blg. 20, s. 2013 ay ituro gamit ang Wikang Filipino;
IPINAPASIYA rin, na magsagawa ng mga retooling ng mga guro upang matiyak ang kanilang kahandaan sa pagtuturo ng core courses at edukasyong elektib;
IPINAPASIYA sa wakas, na himukin ang mga guro sa Filipino, at ang lahat ng mga naniniwala sa mahalagang papel ng Wikang Pambansa sa patuloy na pagbubuo at pagpapaunlad ng bayan na tatagan ang tindig at patuloy na isulong ang Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pangedukasyon sa lahat ng antas. Hayaang ang sipi ng kapasiyahang ito ay maipaabot sa CHEd, sa mga institusyong pang-edukasyon, at sa mga samahang pangwika sa bansa.
PINAGTIBAY ng Kalupunan ng mga Komisyoner ngayong 20 Hunyo 2014.
POSISYONG PAPEL NG DEPARTAMENTO NG FILIPINOLOHIYA NG POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS (PUP)
PANATILIHIN ANG ASIGNATURANG FILIPINO SA KOLEHIYO: HUWAG PATAYIN ANG PAMBANSANG KARAPATAN NG WIKANG FILIPINO, MGA GURO NG FILIPINO, KABATAANG PILIPINO AT MAMAMAYANG PILIPINO.
Paninindigan ng Kagawaran ng Filipinolohiya ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), Samahan ng mga Dalubguro sa Filipino (SADAFIL), Samahan ng mga Batang Edukador ng Wikang Filipino at mga Sining sa Pilipinas, PUP Sentro sa Malikhaing Pagsulat, at PUP Ugnayan ng Talino at kagalingan.
Peligrosong hakbang ang ginawa ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED) nang alisin ang asignaturang Filipino sa inilabas nilang Memorandum Order Blg. 20 na may petsang hunyo 28 serye 2013. Bagaman sinasabi ng komisyong nabanggit na maaaring maituro sa Ingles o Filipino ang mga asignaturang binalangkas nila, bilang halimbawa ay ang Purposive Communication na nakapaloob sa nilikha nilang bagong kurikulum, nababatid namin na pag-aagaw-agawan pa ito ng napakaraming guro sa Filipino at Ingles sa mga kolehiyo at unibersidad, at magdudulot pa ito ng hindi pagkakaunawaan, pagtatalo at ang masaklap pa ay aangkinin lamang ito ng mga Departamento ng Ingles sa mga unibersidad at kolehiyong mabuway ang Filipino dahil halata namang nakakiling ang Purposive Communication sa Ingles. Sa hakbang na ito, tila unti-unting nilulusaw ang mga natatag na Kagawaran/Departamento ng Filipino sa mga kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas. Higit pa rito, maraming mga guro sa Filipino, partikular na sa PUP ang mawawalan ng trabaho at mababawasan ng kita. Hindi pumapayag ang Kagawaran ng Filipinolohiya ng PUP na mangyari ang mga bagay na ito. Sapagkat malinaw na isinasaad sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas Artikulo XIV, itinakda ang Filipino bilang wikang pambansa ng Pilipinas. Kung susuriing mabuti ang CHED Memorandum, malinaw na lihis sa hangarin at konteksto ng Pangkalahatang Edukasyon ang pagtatanggal ng asignaturang Filipino dahil nakasaad sa pahina apat (4) ng memorandum ang ganito: General education enables the Filipino to find and locate her/himself in the community and the world, take pride in and hopefully assert her/his identity and sense of community and nationhood amid the forces of globalization. As life becomes more complex, the necessity of appreciating the gifts of nature and addressing social problems in the general education program increasingly become more pressing. Hindi ba't ang asignaturang Filipino ang pangunahing tiyak na tutugon sa hangarin at kontekstong isinasaad? Sapagkat ang mga asignaturang Filipino ay nakatuon sa pagtuklas at inobatibong pag-aaral hinggil sa kalinangang Pilipino (wika, kultura at kabihasnan), nasa Filipino ang identidad ng mamamayan sa bansang Pilipinas, nasa Filipino ang diwang makabansa na makatutugon sa mga kahingiang panlipunan at makatutulong sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino, at makapag-aambag ng kalinangan at karunungan sa daigdig. Hindi ito simpleng maibibigay lamang ng mga asignaturang tila pira-pirasong kinopya sa dayuhang kaisipan na pilit binibigyan ng malaking puwang na kung tutuusi'y hindi naman makatuwiran.
Sa pangunguna ng Kagawaran ng Filipinolohiya ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) na tinaguriang largest state university in the country na binubuo ng humigit kumulang 70,000 na mga mag-aaral na nagmula sa iba't ibang panig ng bansa katuwang ang iba pang mga organisasyon ay matatag na naninindigan na panatilihin ang Filipino bilang asignatura sa Kurikulum ng Pangkalahatang Edukasyon sa kolehiyo.
Sa halip na alisin, hindi ba't nararapat na lalo pang patatagin ang disiplinang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo sa pamamagitan ng mga asignaturang Filipino na magiging pundasyon nito. Hindi ba't paurong na hakbang ng Pilipinas nang alisin ang asignaturang Filipino ng technical panel ng pangkalahatang edukasyon ng CHED na binuo lamang ng iilang mga tao na at walang malinaw na konsultasyong isinagawa. Samantalang sa maraming unibersidad sa labas ng ating bansa ay pinatatatag ang disiplinang Filipino gaya sa University of Hawaii at University of Michigan sa U.S.A, Osaka University at Tokyo University sa Japan, St. Petersburg University at University of Moscow sa Russia.
Ang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas sa pangunguna ng Kagawaran ng Filipinolohiya nito ay patuloy na nagsusulong ng kalinangang pangwika, panliteratura, pangkultura at pansining sa pamamagitan ng mga pananaliksik at pagdaraos ng mga kumperensya at talakayan sa Wikang Filipino sa iba't ibang larangan. Taong 2013 nang hirangin ng CHEd ang PUP Kagawaran ng Filipinolohiya bilang Sentro ng Pagpapahusay ng Programang Filipino, bago pa ito, natamo na nito mula sa Accrediting Agency of Chartered Colleges and Universities in the Philippines (ACCUP) ang pinakamataas na akreditasyon (Antas 3) at kasalukuyang nakasalang sa internasyonalisasyon ang programang AB Filipinolohiya na inihahain nito. Ginawaran na rin ito ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng Gawad Sagisag Quezon sa Pagpapaunlad ng Wikang Filipino. Bukod pa rito, ang mga batikang manunulat sa Filipino at dekalibreng guro sa Filipino sa bansa ay kabilang sa Kagawaran ng Filipinolohiya ng PUP. Ngunit, ang lakas at pagsisikap ng mga Departamento/Kagawaran ng Filipino gaya ng sa PUP ay mawawalan ng kabuluhan kung sa bagong kurikulum na binalangkas ng CHED para sa kolehiyo ay tinanggalan ng kongkreto at malinaw na puwang ang disiplinang Filipino. Manghihina at malulusaw ang wikang Filipino kung hindi tuloy-tuloy ang paglinang nito hanggang sa kolehiyo. Sa ganitong punto, muli't muli naming igigiit ang karapatan ng wikang Filipino bilang Wikang Pambansa na nakasaad sa Kontitusyon ng Pilipinas.
Pangunahing gawain ng PUP Kagawaran ng Filipinolohiya ay ang pagpapaunlad at pagpapaigting ng pwersa para huwag isantabi at tuluyang mapanatili ang Filipino sa kolehiyo. Bilang hakbang, magsasagawa ito ng Pambansang Talakayan ukol sa mga Pananaliksik Pangwika, Pangkultura at Pansining sa wikang Filipino na may temang Mga Mananaliksik Bilang Pagtutol sa Pag-aalis ng Asignaturang Filipino sa Kolehiyo at ang Magiging kalagayan ng mga Guro sa Filipino sa Hamon ng Programang K-12 kasabay ng Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Agosto 28-30, 2014 sa suporta ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) na kasasangkutan ng mga guro, mga mag-aaral at mga mamamayang nagsusulong ng Filipino.
Kikilos at kikilos ang PUP upang ipagtanggol ang wikang Filipino. Maghahain ito ng mga mungkahing asignaturang Filipino sa pakikipag-ugnayan na rin ng iba't ibang mga unibersidad at kolehiyo na maaaring tumugon sa mga inalis na asignaturang Filipino sa kolehiyo.
Kung hindi pa magbabago ang ihip ng hangin, at hindi pa rin matitiyak ng CHEd ang malinaw na puwang ng asignaturang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo hanggang sa Agosto, tiyak na gagawa ng malaking hakbang ang pinakamalaking pang-estadong unibersidad sa bansa sa pangunguna ng Kagawaran ng Filipinolohiya nito para manatili ang asignaturang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo.
Umiiral sa-realidad sa Pilipinas na ang Filipino ay wikang panlahat. Nand'yan ito, umiiral at ginagamit sa araw-araw na pakikipagtalastasan ng mga Pilipino. Mga Pilipino ang kusang tumanggap nito bilang wikang pambansa at naging katangi-tangi ang tatag nito dahil ito ang identidad ng lipunang Pilipino. Mahalaga ang pagpapaunlad nito sa bawat Pilipino, kaya kung ihihiwalay sa mga mag-aaral ng kolehiyo sa Pilipinas ang patuloy na pag-aaral ng wikang Filipino, tinanggal natin ang identidad natin bilang Pilipino. Dahil kung ano ang wika mo, iyon ang identidad mo!
Pinagtibay ngayong Hunyo 19, 2014.
POSISYONG PAPEL NG PAMANTASANG DE LA SALLE-MAYNILA (DLSU-M)
PAGTATANGGOL SA WIKANG FILIPINO, TUNGKULIN NG BAWAT LASALYANO.
Ang buwan ng Agosto ay Buwan ng Wikang Pambansa. Dahil sa pagbura sa asignaturang Filipino sa kolehiyo bunsod ng Commission on Higher Education/CHEd Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013, nagpasya ang Departamento ng Filipino na gawing higit na katangi-tangi ang paggunita sa Buwan ng Wika sa taong ito sa pamamagitan ng pagtatampok ng mga adbokasiyang pangwika. Magsasagawa ang Departamento ng mga gawaing naglalayong imulat ang ating komunidad sa kahalagahan ng pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo.
Malaki ang pangangailangan sa paglilinaw at pagsusulong ng adbokasiyang pangwika sapagkat mula pa noong Enero 2013 ay nakikipagdiyalogo na ang Departamento sa administrasyon ng pamantasan upang hilingin na panatilihin sa kurikulum ng DLSU ang asignaturang Filipino, ngunit hanggang sa kasalukuyan, sa kabila ng lahat ng ating pagsisikap na ipaliwanag ang kahalagahan ng pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo, hindi pa rin isinama ng Komite sa New Lasallian Core Curriculum (NLCC) ang asignaturang Filipino. Gayon man, sinusuportahan ng Komite sa NLCC ang opsyonal na paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo sa alin mang asignatura sa bagong kurikulum. Dapat bigyang-diin na hindi sapat na maging opsyonal na wikang panturo lamang ang wikang Filipino sapagkat alam naman nating mas nakakiling sa Ingles ang sistermang pang-edukasyon sa Pilipinas dahil na rin sa ating pinagdaanang malalim at matagal na kolonisasyon ng mga Amerikano. Hindi rin magiging mabisang wikang panturo ang Filipino sa Agham, Matematika, Inhenyeriya, Komersyo, Agham Panlipunan, Humanidades, at iba pa, kung walang asignatura sa kolehiyo na magtitiyak sa pagkakaroon ng mataas na antas ng kasanayan ng mga mag-aaral sa paggamit nito sa intelektwal na diskurso, komunikasyon at pananaliksik. Samakatwid, ang intelektwalisasyon ng wikang Filipino sa iba't ibang larangan ay matitiyak lamang kung may asignaturang Filipino na may inter/multidisiplinaring disenyo sa kolehiyo.
Sa ganitong diwa, hinihiling namin sa komunidad ng ating pamantasan na suportahan ang adbokasiya ng Departamento na adbokasiya rin ng libo-libong mamamayan sa buong bansa at maging sa ibayong-dagat.
Una, naniniwala kami na ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino ay nakapag-aambag sa pagiging mabisa ng community engagement ng ating pamantasan sapagkat ang wikang Filipino ang wika ng mga ordinaryong mamamayan sa mga komunidad na ating pinaglilingkuran. Ang pagpapalakas sa ugnayan ng ating pamantasan at ng mga ordinaryong mamamayan ay alinsunod sa bokasyon ni San Juan Bautista De La Salle na nagsikhay sa paggamit ng wika ng mga ordinaryong mamamayan sa edukasyon. Dapat bigyang-diin na ang Filipinisasyon ng mga pananaliksik ng iba't ibang departamento at kolehiyo sa pamantasan ay makatutulong din nang malaki sa pagtitiyak na ang ating mga pananaliksik ay higit na magiging kapaki-pakinabang sa ating mga kababayan.
Ikalawa, sa konteksto ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Integration, ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino na may inter/multidisiplinaring disenyo ay isa sa ating mga potensyal na ambag sa proyekto ng globalisasyong pedagohikal at sosyo-kultural. Ano nga ba ang iaambag natin sa daigdig kung hindi natin pag-aaralan ang sarili nating wika at kultura? Paano haharapin ang mundo kung hindi kilala ang sarili?
Ikatlo, ang wikang Filipino ay wikang global na itinuturo bilang asignatura o kaya'y komponent ng Philippine Studies sa mahigit 45 unibersidad at mahigit 100 hayskul sa buong mundo.
Ang ikaapat, kinikilala ang kahusayan ng DLSU-Manila sa larangan ng pagtuturo at pananaliksik sa Filipino gaya ng pinatutunayan ng dalawang ulit na paggawad ng rekognisyon ng CHEd sa Departamento ng Filipino bilang Center of Excellence (COE), ang kaisa-isang Departamento ng Filipino sa buong bansa na may ganitong karangalan. Mahalagang komponent ng pagiging COE ng Departamento ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino na may mataas na antas. Kaugnay nito, ang Departament0 rin ang nagpapatakbo sa operasyon ng Malay, isa sa ilang multidisiplinaring journal sa Filipino na may rekognisyong internasyonal. Dagdag pa, kinikilala sa larangan ng malikhaing pagsulat at pananaliksik ang Departamento, gaya na rin ng pinatutunayan ng mga de-kalidad na publikasyong inilalathala ng mga guro nito.
Ikalima, sa mga nakaraang dekada ng pag-iral nito, malaki na ang naiambag ng Departamento sa pamamagitan ng mga regular na proyektong gaya ng Seryeng Panayam, Pambansang Seminar, Community Engagement at International Conference, na nakapagdulot ng positibong impact 'di lamang sa ating pamantasan, kundi lalo't higit sa libo-libong mga mamamayang lumahok at lumalahok sa mga ito. Hinggil sa usaping pangwika, ang Departamento ang isa sa pinakamasigasig sa mga grupong nagbuo sa Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (TANGGOL WIKA) na ngayo'y nangunguna sa pakikipaglaban para sa wikang Filipino sa antas tersyarya sa buong bansa. Matatandaang sa inisyatiba ng Departamento at sa pagsuporta ng Kolehiyo ng Malalayang Sining ay isinagawa sa DLSUManila ang asembliya ng pagtatatag ng TANGGOL WIKA noong ika-21 ng Hunyo. Mananatiling matatag ang Departamento sa pag-aambag sa mga nabanggit na inisyatiba kung magkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo, na magtitiyak sa patuloy na pag-iral at pag-unlad nito.
Ikaanim, ginagarańtiyahan ng pagkakaroon ng Filipino sa DLSU ang aktibong pakikisangkot ng mga guro ng Departamento at bawat mag-aaral na Lasalyano sa mga kolaboratibong pananaliksik na isinusulong ng ibang mga deparțamento gaya ng Natural Language Processing Department kaugnay ng paglinang ng Machine Translation Software sa Filipino, pagsasalin ng iba't ibang materyal tulad ng survey instruments mula sa iba't ibang disiplina at larangan gaya ng Inhenyeriya, Sikolohiya, Batas, Komersyo, at Ekonomiks, at iba pang gawaing pananaliksik.
lkapito, sa pamamagitan ng asignaturang Filipino sa DLSU, inaasahang may sapat na katatasan sa wikang pambansa ang sino mang gradweyt ng Pamantasang ito sa pakikipagtalastasan sa iba't ibang pangangailangan o kontekstong pangkomunikasyon pang-akademiko man o pangkultura, tulad ng nililinang sa ibang pamantasan. Ang pagbura sa asignaturang Filipino sa kolehiyo ay nangangahulugan ding pagbura at paglusaw sa mga Departamento ng Filipino sa buong bansa. Sa'kabutihang-palad, tuloy ang pagsusulong
ng adbokasiyang makabayan sa wika at edukasyon ng iba't ibang grupo sa loob at labas ng bansa. Maging ang administrasyon ng ilang unibersidad gaya ng University of the Philippines, University of Asia and the Pacific, Phlippine Normal University, Polytechnic University of the Philippines, National Teachers' College, Assumption College, Mapua Institute of Technology, Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, Xavier University, DeLaSalle-College of St. Benilde, De La Salle University-Dasmariñas, Technological University of the Philippines, at iba pa, ay nagpahayag ng suporta sa pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo sa pamamagitan ng paglagda sa mga posisyong papel na inihanda ng kani-kanilang mga Departamento ng Filipino, o kaya'y paglalahad ng komitment na magdaragdag ng required na asignaturang Filipino.
Malinaw na hindi simpleng usapin ng pagsasalba sa trabaho ng mga guro ang adbokasiyang ito. Ang adbokasiyang ito'y pagsasalba sa kolektibong identidad, sa salamin ng ating kultura, sa daluyan ng diskursong pambansa, at pagtataguyod ng nasyonalistang edukasyon na huhubog ng mga estudyanteng magiging mga kapaki-pakinabang na mamamayan ng ating bansa. Umaasa kami na sa pamamagitan ng ating sama-samang pagkilos, ang makabayang adbokasiya sa wika at edukasyon ng ating unibersidad na nagluwal na ng mga makabayang lingkod-bayan gaya ni Senador Lorenzo M. Tañada at mga makabayang edukador gaya ni Br. Andrew Gonzalez, FSC, ay patuloy na mananatiling buhay ngayon at magpakailanman. Hanggang sa mangyari iyon ay ipagluluksa natin ang pagkamatay ng asignaturang Filipino sa ating pamantasan. Ipagluluksa natin ang katotohanan na sa kasaysayan ng ating pamantasan, sa ating henerasyon ay namatay ang ating wikang pambansa.
Sa ganitong diwa, inaanyayahan namin ang buong komunidad na makiisa sa mga panawagan ng Departamento ng Filipino sa pamamagitan ng pagsusuot ng itim na damit o itim na ibbon araw-araw ngayong buwan ng Agosto. Ang gawairig ito ay simula pa lamang ng ating tuloy-tuloy na pakikibaka para sa kapakanan ng wikang Filipino at nasyonalistang edukasyon.
Para sa regular na update hinggil sa pambansang pakikibaka para sa wikang Filipino at makabayang edukasyon, hinihikayat din ang lahat na bisitahin ang www.facebook.com/TANGGOLWIKA.
Isulong ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo!
Gamiting wikang panturo ang Filipino sa iba't ibang asignatura!
Itaguyod ang makabayang edukasyon!