Ang blog ng School Lump Organization na ito ay nagsusulat tungkol sa kapaligiran sa paaralan, kaugnay na impormasyong pang-edukasyon, at komposisyon sa panitikan na makakatulong sa mga mag-aaral sa kanilang mga sulatin, takdang-aralin at anumang mga output na kailangan nila para sa mga akademiko. Sa layuning hikayatin ang lipunan, lalo na ang kabataan na ipagpatuloy ang pag-aaral at literasi sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsasaliksik.
SCHOOL LUMP ORGANIZATION
Martes, Disyembre 20, 2022
start writing inlower expectations
Sabado, Hulyo 16, 2022
LETTER D AND C preschool Activity sample
Linggo, Abril 3, 2022
kaugnayan ng wika sa kultura
Ano ba ang kaugnayan ng wika sa kultura?
Ang wika ay nalilinang dahil sa kultura, ang kultura ay nalilinang dahil sa wika at ang wika ay ang kultura mismo. Maari natin itong ituring bilang batayang gabay sa matibay na kaugnayan ng wika at kultura bilang mabisang kasangkapan sa pagtataguyod ng pagkakakilanlan nating mga Pilipino.
Ang wika ay nalilinang dahil sa kultura. Ayon kay Walt Whitman, ang wika ay hindi abstraktong nilikha ng mga nakapag-aral o ng bumubuo ng diksyunaryo, kundi ito ay isang bagay na nalikha mula sa mga gawa, pangangailangan, kaligayahan, panlasa ng mahabang talaan ng henerasyon ng lahi at nagtataglay ito ng malawak na batayang makamasa (Peña et. al 2012). Malinaw na ang wika ay nalilinang at napagtitibay sapagkat ang kultura ang nagbibigay katuturan sa ipinapahayag na kaisipan ng wika. Ginagamit ang wika dahil ito ay daluyan ng komunikasyon upang magpasimula ng isang tiyak na pagkilos o paggawa. Ito rin ay pangangailangan ng tao sa pakikipag-ugnayan sapagkat siya ay itinuturing na may pangangailangang sosyal. Ang wika ay nakapagpapahayag din ng iba’t ibang damdamin at natutukoy din dito ang pananaw sa iba’t ibang bagay napagpapasiyahan kung ano ang magiging kalugod-lugod sa atin, ang pagpapasiyang mayroong impluwensiya mula sa ating kapuwa at ng kabuuan ng lipunang ating kinabibilangan.
Gayunpaman, maari ring sabihin na ang kultura ay nalilinang at napagtitibay din ng wika. Binigyang kahulugan ni Virgilio Almario ang wika bilang katutubong halagahan o value para sa marangal na buhay ng ating mga ninuno, isang dakilang pamantayang nararapat sundin saanman at kailanman tungo sa wastong pakikipagkapuwa-tao, isang banal na tuntuning kailangang tupdin upang hindi ‘maligaw ng landas’. Hindi mapasusubalian na ang ating sariling wika ang siyang midyum na ginamit ng ating mga ninuno sa pagpapahayag ng mga itinakdang batas at pamantayan sa lipunan pasalita man o pasulat. Sa batas ni Maragtas at Kalantiaw, malinaw na nakapaloob sa kaisipang ipinapahayag ng wikang ginamit ang pamantayang itinakda ng batas na ito na siya namang pinagbabatayan ng pamumuhay at pagkilos ng isang mamamayang Pilipino sa lipunan na kaniyang kinabibilangan. Matagumpay ding naipabatid at naipasa sa bawat henerasyon ang mga paniniwala at pamamaraang Pilipino bunga ng sabi-sabi o ‘word of mouth’. Samakatuwid, natutukoy ang mga pamantayan gayon na rin ang kultura ng lipunang Pilipino gamit ang wika sa diskursong pasalita at pasulat.
Ang kultura ay nalilinang dahil sa wika. Ang wika ay daluyan ng komunikasyon at sa pagkakaroon ng komunikasyon ay naisasakatuparan ang ugnayan ng isang tao sa kaniyang kapuwa. Sa pagkakaroon naman ng ugnayan ay maaring bumuo ng pagkakasunduan at dahil ang tao ay tunay na isang sosyal na nilalang, ang pagkakasunduang ito ang maghahantong upang magpasya upang makisama sa kapuwa at ang pagkakabigkis na ito ay nagkakaloob sa mga tao upang magtaguyod ng isang lipunan. Ang isang lipunan ay may tiyak na kultura na nakasalig naman sa napagkasunduang katotohanan. Ito ay nabuo sapagkat may pagkakasundo bunga ng komunikasyon na mauugat naman sa katangian ng wikang maging daan na nag-uugnay ng mga kaisipan.
Ang isang partikular na kaisipan na bahagi ng kultura ay ganap na nagiging bahagi ng kultura kung ito ay naipakikilala at naitataguyod. Kung wala ang wika bilang panuluyan ng mga ideyang bumubuo sa kultura tungo sa kaisipan ng mga tao sa isang lipunan ay magiging imposible ito. Sapagkat ayon sa Encyclopedic Supplement, Living Webster Dictionary of the English Language, ang mga ideya ay nabubuhay dahil sa wika, ito ay katulad ng pagbibigay-katawan sa kaluluwa (Bernales et. al 2011). Kaugnay nito, maaring bigyang patotoo na may kakanyahan ang wika na maging ina ng karunungan ayon kay Krank Kruas (Peña et. al 2012) Samakatuwid, pinangatwiranan ng librong Social Dimensions of Education, ang pagkatuto ng isang kultura ay sa pamamagitan ng wika. Mula dito ay nagkakaroon tayo ng kolektibong alaala tulad ng mga alamat, pabula, salawikain at iba pa na naaayon sa ating kaalaman sa kultura, gayundin ang pagsulat, sining, at kung anu-ano pang mga midya na humuhubog sa kamalayan at makapag-ipon at makapagbahagi ng kaalaman
Ang wika ay ang kultura mismo. Kung pagbabatayan naman natin ang winika ng karakter na si Simoun ng El Filibustersimo ni Dr. Jose Rizal na ang wika ay paraan ng pag-iisip ng tao, samakatuwid tinatanggap natin na ang wika ay ang kultura mismo. Dahil nga ang kultura ay pamamaraan ng pagkilos at pamumuhay ng isang tao ay nakabatay sa kaniyang pag-iisip, ito ang pangunahing pinagmumulan ng kaisipan ng kultura.
Paano nga ba magagamit ang wika upang malinang ang pambansang kultura?
Ang wika ay may kakayahan upang sumisid sa pinakamalalim na kaalamang bayan, liparin ang pinakamatayog na karanasan upang maibalik sa lupa at maipatalas ng ibayong talastasan at praktikang panlipunan (Bernales, et al. 2011). Ang ating wika ang nagkanlong at nagtago ng hiwaga, kasaysayan, at mayamang kaalaman ng ating bayan kung saan nahubog ang katauhan ng ating lahi na bumubuo sa ating pagkakakilanlan bilang isang Pilipino. Nakapaloob sa kaalamang ito ang dakilang nagawa ng magigiting nating mga ninuno. Sa paggamit ng wika ay mapagtitibay ang mga kaalamang ito sa kaisipan na isang mabisang sangkap upang maiwaksi ang kolonisadong pag-iisip sapagkat natatamnan ito dahil sa pagpapatibay ng pamamaraang Pilipino. Binigyang-diin nga ni Samuel Johnson na ang wika ang nagdadamit sa ating kamalayan, samakatuwid ito ang magbibihis sa atin ng pagkakakilanlan, ang magkakaloob ng isang tatak na siyang tatak ng ating lahi.
Hindi nagtatapos sa paglikha ng bagong pananaw ang paglilinang ng wikang Filipino tungo sa paglinang din ng pambansang kultura tungo sa pagkakakilanlan, o hindi nga maaring sang-ayunan pa ang paglikha lamang ng isang bago at wastong pananaw bagkus ang pagsasangkot ng sariling wika sa pagkilos ng sariling dila. Ang wika ay maari ring itulad sa isang pirasong papel na ang kabilang mukha ay ang kaisipan at ang kabila ay ang tunog ayon kay Ferdinand de Saussure. Hindi maaring sa paggupit ng papel, mahahati ang kaisipan at ang tunog. Anumang bahagi ng putol, magtataglay kapuwa ang mga ito ng kaisipan at tunog. At ang pagtataglay ng wika na kaisipan at tunog ay kakanyahan nito (Peña et. al 2012). Bigyan ng higit na pansin na ang kaisipan at tunog ay hindi mapaghihiwalay sa wika. Kung nakapaloob sa wika ang kaisipan ng kultura at ang wika ay mamumutawi sa ating dila, hindi ba’t mamumutawi rin naman ang kultura sa atin at sa pagkaalam ng kultura ay matutukoy natin ang ating pagkakakilanlan? Kaya naman, nararapat na ang wikang Filipino ay higit na nararapat maunawaan higit sa mababaw na pagkaunawa lamang upang nararapat na magkaroon tayo ng kritikal na pag-unawa sa ating kultura.
Walang anumang pagsasanay ang makalilikha ng pinakamainam at pinaka-epektibong pagkatuto at pag-unawa ng isang wika kung hindi ang mismong paggamit at pagpapadaloy nito sa sariling dila. Pinapatotohanan ng aklat na Social Dimensions Of Education na ang wika ng isang nilalang ay ang repleksyon ng kaniyang pagkatao at ang pamamaraan at pagkilos na inaasahang aasalin niya. Dagdag pa, ang wika ay ang susi sa tagumpay ng pag-usbong ng isang lahi sa paglikha at pagpapanatili ng kultura sapagkat kung walang wika, ang kakayahan upang makabuo ng mga kaisipan at tradisyon ay hindi makatotohanan.
EROLD JHON DELA CRUZ
https://www.academia.edu/37857689/Ano_ba_ang_kaugnayan_ng_wika_sa_kultura
ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)
ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...
-
Ang Kabaong: Higaang Panghabang-Buhay o Patay Magandang araw sa mga aking mambabasa, aking ilalahad ang mga kaganapang nangyari sa amin, sa...
-
ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...