DOMINADOR B. MIRASOL
Supling ng mag-asawang Aklanon at Bikolana, nagkaugat si Dominador B. Mirasol sa Tondo, Maynila. Labingwalong taong gulang siya nang magsimulang sumulat at nang mag-aral sa kolehiyo, naging patnugot siya ng pitak sa Pilipino ng The Quezon, opisyal na pahayagan ng mga estudyante ng MLQ University. Pagkaraang makapag-aral ng journalism, naging kagawad siya ng Aliwan, kapatid na babasahin ng Liwayway na nilipatan niya pagkaraan. Isa siya sa baguhang mga manunulat na sinanay sa palihan ng Liwayway at inilathala ng Bagong Dugo, pitak na pinamahalaan ng kagawad noon ng Liwayway na si Liwayway A. Arceo.
Nasa kolehiyo pa lamang, nagtamo na ng Unang Gantimpala (kategoryang maikling kwento) ang kanyang kathang "Mga Aso sa Lagarian" sa patimpalak ng taunang Carlos Palanca Memorial Awards (1963). Hango ang kuwento sa obserbasyon niya sa kanyang ama na naging manggagawa sa isang lagarian. Nang taon ding iyon, ang nobela nila ng katuwang na si Rogelio L. OrdoƱez, Apoy sa Madaling-Araw ang pinagkalooban ng pangalawang gantimpala sa timpalak ng nobela ng Liwayway (1963). Sinundan ito ng nobelang Mga Halik sa Alabok na napiling unang gantimpala sa timpalak ng Liwayway noong 1966. Noong 1970, nagwagi uli ng unang gantimpala sa timpalak ng Palanca ang kanyang kuwentong “Mga Bangkay sa Dalampasigan ng mga Uwak."
Inilathala rin ng Liwayway ang kanyang nobelang Magkabiyak na larawan noong 1973-74. Sa taon ding 1973 inilathala ng magasing Sagisag ang kanyang nobelang Ginto ang Kayumangging Lupa na pinagkalooban ng Tanging Gantimpala sa Timpalak ng Nobela ng Cultural Center of the Philippines (CCP) noong 1979.
Nagtrabaho siya sa mga dyaryo, nagturo pasumandali sa U.P. of naging matagal na guro sa Filipino sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP). Yumao siya may limang taon na ang nakalilipas (2004).